Isang blog nagbibigay kulay sa mundo ng science fiction gamit ang maiikling kuwento na kesa sa wikang Filipino o Ingles.

20050905

Ayoko sa Grabiti

"Nay, bakit po kapag tumalon ako bumabagsak o bumabalik ako sa lupa?" tanong ni Gregg sa ina. "Kasi, mabigat ka anak at wala kang pakpak para lumipad." sagot ng ina. Hindi pa rin kontento si Gregg, pagpasok niya kinabukasan tinanong niya ito sa kanyang guro si Miss Inulit. "Gregg, kaya ka bumabalik sa lupa dahil may tinatawag tayong grabiti, isa itong force na naghihila ng bigat ng lahat ng bagay." ang sabi sa kanya ng guro.

Nakapanood si Gregg ng mga astronot sa telebisyon at nagmangha siya at lumilipad sila at hindi bumabalik pababa. "Nay tingnan mo! Nakakalipad sila sa kalawakan!" sigaw ni Gregg sa ina. "Anak, tumigil ka nga diyan at baka ikaw ang paliparin ko sa kalawakan." sagot na naiirata ng ina. Ngunit nakatatak na sa isip ni Gregg ang pangarap na makapunta sa kalawakan at maging isang astronot.

"Gusto bang pumunta sa kalawakan? Maramdaman ang pagiging walang bigat na lumulutang sa ere na walang hirap? Ito ang masuwerte mong araw. Naglabas ng patimpalak ang Hukbong Pilipinas na magpadala ng isang bata sa NASA para maranasan ito. Magpadala lang kayo ng dekuryenteng liham sa triptonasa@philairforce.com at sabihin kung bakit kayo ang nararapat na manalo." Ito ang nakita at narinig ni Gregg sa isang patalastas habang nanood siya ng telebisyon. Pinilit niya ang nanay niya na magpagdala sila ng DELI na galing sa kanya. "Gregg, sabi ko sa iyo diba na tigilan mo na ang tungkol diyan." galit na sagot ng nanay. Umiiyak at humahigikgik bumalik si Gregg sa kanyang kuwarto. Nakatulog sa sobrang pagod sa pag-iyak hindi niya na malayan na nasa kalawakan na siya.

"Gregg, ano pa ang ginagawa mo diyan sa loob? Hindi ba pangarap mo ang makalutang sa kalawakan?" sabi ng isang lalaki. Nagising si Gregg at nasa loob siya ng Challenger Space Shuttle. Lumingon siya sa paligid ngunit wala namang tao. "Gregg, tulog ka pa ba?" sabi ulit ng isang boses. Hinahanap ni Gregg kung saan nanggagaling ang boses, hindi niya alam na galing ito sa radyo ng kanyang space suit. "Hello, sino ka? nasaan ako?" tanong ni Greg na parang tanga. "Ako si Frereik Vogt, isang astronaut ng Alemanya nandito ako sa labas ng shuttle, nakadaong tayo ngayon sa bagong gawang Hubble Super Station malapit sa buwan." sagot ni Vogt boses na may kakaibang accent.
Buwan? Kalawakan? Hindi makapaniwala si Gregg sa narinig at nagmadali siyang naghanap ng pintuan palabas ng kalawakan.

Masayang lumutang si Gregg sa labas ng kalawakan. Nakakabit ang mahabang puting kable sa kanya para hindi siya lumayo. Masarap ang pakiramdam na walang humihila sa iyo pababa at walang pumpigil sa iyong paggalaw pataas. Ilang oras siya namalagi sa labas, isang 11 taong bata na malugod at walang iniisip na problema. "Gregg, pasok ka na at pupunta naman tayo sa buwan." sabi ni Vogt sa radyo. Bumalik naman kaagad si Gregg at inaantabayan ang pagpunta sa buwan.

Lumapag sila sa buwan gamit ang maliit na module. Maputi at matangkad pa la itong si Vogt sabi ni Gregg sa sarili. "Pupuntahan natin ang eksatong lugar kung saan inilagay ng mga Russo ang unang bandila." sabi ni Vogt. "Huwag kang lalayo sa akin at huwag ka masyadong magtatalon ng mataas dahil mahina ang grabiti ng buwan." paalaa ni Vogt. Sinundan ni Gregg si Vogt ng mabuti. Umaapak ng dahan-dahan sa buhangin ng buwan at nagiiwan ng imprinta ng kanyang maliit na paa. Natatanaw na sa malayo ang malaking bandila na may kulay asul, puti at pula na stripes.

Sa paglalakad nila may malaking bato ang nakaharang sa dadaanan nila na nakita pa nila na maliit sa malayo. "Iikutan lang natin ito sa gilid." sabi ni Vogt. Determinadong matatalonan niya ito. Tumakbo si Gregg. Hindi niya nararamadaman ang bilis dahil sa gaan ng mga paa. Palapit na siya ng palapit sa bato at sa lahat ng kanyang lakas tumalon siya. Sumama ang buong katawan niya sa malakas na lundag. Tumaas siya ng tumaas hanggang lumampas sa tuktok ng bato pero hindi na siya bumuba ulit. Kahit walang hangin sa kalawakan parang saranggolang iniihip si Gregg pataas. Tumingala siya at kadiliman ang nakikita niya. Yumuko siya at nakikitang kumakaway si Vogt na maraming beses. Wala na siyang magagawa. Nadala na si Gregg sa kalawakan. Nagsimulang umiyak si Gregg. Palayo na siya ng palayo sa buwan. Paliit ng paliit na ito hanggang hindi na niya ito nakikita. Gusto ko ng umuwi. Gusto ko ng umuwi. Ang sabi niya sa sarili pero tanging boses lang niya sa loob ng space suit ang naririnig.

Nagising si Gregg. Pawis na pawis, basa ang kutson sa mapanghing ihi at mabilis ang tibok ng puso. Isang panaginip lang pala. Tumakbo siya papalabas at hinanap ang nanay. "Sorry po, Nay," at niyakap niya ang ina ng mahigpit na parang ang tagal nilang hindi nagkita.

No comments: