Tuwing umaga nakagawian na ni Seir na maglakad sa tabi ng Marikina River at sa bawat paglalakad niya sa dalawampung taon, pabawas ng pabawas ang nakikita niyang mga tao na kasabay niya na nagbabanat ng kanilang tuhod at paa. Madalas na lang din makita ang pulang-dilaw na pagsikat ng araw na sumasalamin sa sumasayaw na alon ng ilog. Nagbago na ang kapaligiran pero nandiyan pa rin ang paborito niyang tambayan. Tatlumpung taon na ang nakalipas noong trese anyos pa lang siya na dito natagpuan nila ng mga kabarkada ang tambayan. Isang parisukat na konkretong mesa at dalawang bakal na pahabang bangko sa magkabilang gilid ang bumubuo nito. Marami na itong pinagdaanang masasayang kuwentuhan, biruan, pag-aaway at ligawan. Nasaksihan na rin nito ang mga bagyong nagdaraan ngunit matibay itong nakatindig pa rin. Habang buhay naman na nakaukit at nakapinta ang mga sulat, pirma at larawan na nag-iiwan ng bakas ng dumaraang oras.
Habang papunta si Seir sa kanyang tambayan araw-araw niya nadaaranan ang mga walang buhay na bahay. Wala nang nagwawalis sa mga harapan nila, nagdidilig ng halaman, nagsisiga sa bakuran, nakikipagkuwentuhan sa kapitbahay, rumurondang barangay, naglalako ng gulay, bumobusinang nagbebenta ng pandesal o ang makisig na tinig ng magtataho. May mga ibang nilalang na kasi na gumawa nito para sa kanila. Makinang may sariling pag-iisip na binubuhay ng mga organismo na galing sa ibang mundo. Ganun na lang kasimple ang buhay pero si Seir hindi man lang pumasok sa isipan niya kumuha ng halong mekanikal at dayuhang magseserbisyo para sa kanya. Katulad ng nakagisnan tinuloy ni Seir ang paglalakad papunta sa matahimik na tambayan. Hawak-hawak ang isang libro sa kanang kamay at termos sa kaliwa masigasig siyang nag-iisip ng kanyang mga gagawin sa Sabadong iyon.
Perpekto ang panahon maaliwalas ang dampi ng hangin at hindi gaanon kainit ang sinag ng araw. Matagal ng nasupil ang polusyon sa Marikina at masarap damahin ang simoy ng malinis na hangin. Nakarating sa kanyang tambayan si Seir. Nilapag niya ang librong *"The Outsider" ni Albert Camus sa malamig na mesa. Ilang beses na iya ito nabasa at hindi siya mapakaniwala na isang daan taon na ang nakalipas ng una itong malimbag. Umupo siya at pinatong din ang termos sa mesa. Inikot niya ito at pinindot ang nakalapat na bilog sa termos na nagsasabing "flat white". Umugong ito ng mahina na nagsasabing tapos na ito sa ginagawa. Pinihit pakaliwa at tinanggal ni Seir ang takip nito. Ginawa niya itong tasa at dito ibinuhos ang kapeng may gatas at walang asukal. Nasa pangatlong ikalawang parte na ng libro si Seir natapos niya ang unang parte nito kahapon at naudlot dahil sandaling pag-ambon. Malawak rin ang hilera ng tabing ilog kung nasaan ang tambayan ni Seir. Mga likod ng bahay at bakuran ng mga bagong tayong mataas na gusali ang katabi nito at dahil sa mabuting loob ng Governor ng Marikina hindi niya pinatanggal ang mga puno at mga nakatindig sa tabi ng ilog.
Maligalig na iniinom ni Seir ang mainit at mapait na kape habang nagbabasa ng kanyang paboritong nobela. Tungkol ito sa isang tauhan na manhid sa pag-ibig, kalungkutan at kasalanan. Kinikumpara niya ang sarili sa karakter dahil magkapareho silang binabaliwala ang sistema at namumuhay kung saan man sila dalhin ng agos na tinatawag na buhay. Nasa pahina na si Seir na kung saan kinakausap ang pangunahing bida ng hurado tungkol sa kanyang nagawang krimen. Tinatanong siya kung naniniwala siya Diyos at sinabi niyang hindi. Napansin ni Seir na may gumagalaw na tuldok sa layo ng makikita niya sa hilaga ng kalsada. Papalapit ito ng papalapit. Nakapagtataka dahil sa karaniwang tanghali pa lumalabas ang masa. Asul at puting sasakyan ito na may kahel na ilaw sa ibabaw. Pulis? Tanong nito sa sarili. Sa sampung taon sa Marikina limang krimen lang ang nagawa. Dalawang kaso ng pagnanakaw, dalawang kaso ng pagbebenta ng sigarilyo at isang kaso ng pagkakalat sa pampublikong palikuran. Mataas na kalidad na ang seguridad sa siyudad kaya binawasan ng binawasan ang bilang ng mga pulis hanggang dalawa na lang ang umiikot. Pinapaubaya na kasi sa mga makina ang pagsupil, pag-iwas at pagligtas ng mamamayan bago pa man magkaroon ng aktwal na krimen. Kaya napaka hindi naalintala ang pagronda ng isang sasakyang pulis sa ganitong oras at lugar. Lumapit ito sa nagbabasang Seir pero nilampasan lang siya. Pagkatapos ng ilang segundo umatras ito at huminto sa harap ng tambayan kung saan ang likuran ni Seir ang naaninag.
"Huminto ka sa kung ano ang ginagawa mo at humarap sa sasakyan," sabi ng sasakyang na mainit ang sinisingaw na hangin. Tumayo si Seir at lumapit sa asul na kotseng nakaparada. "Itaas mo ang iyong mga kamay, ilapag sa dalawang bilog sa bubungan ng pampulis na sasakayan." pagpatuloy ng boses na naguutos sa kanya. Nilapat niya ang kanyang kamay at naramdaman niya ang pinaghalong init at lamig ng malayerong bubungan. "Pangalan at Numero?" Tanong ng boses na malalim na parang galing sa ilalim ng balon. "Seirebelo Hunasin, Numero 8-7-9-8-4-6-8." madaling sagot ni Seir. Tiningnan siguro ng pulis ang kanyang nakalistang rekord sa pulisya dahil natagalan ng ilang segundo bago ito ulit nagsalita. "Seirebelo Hunasin, ano ang ginagawa mo sa oras na ito?" muling tanong ng boses. "Naglakad papunta dito para magbasa at uminom ng kape," makakatotohanang sagot ni Seir. "Naglalakad para saan? nagbabasa ng ano? at umiinom na gaano karami?" mabilis na pasunod ng tanong nito. "Naglalakad lang papunta dito, nagbabasa ng isang nobela, at umiinom ng ilang tasang kape galing sa dala kong termos." mataimtim na sagot ni Seir. "Sa ilalim ng Ordinansa Blg. 2367, inaaresto ka ng Siyudad ng Marikina sa pag-gala ng walang paalam sa mga oras ng ala-singko hanggang alas-onse ng umaga at sa Ordinansa Blg. 5478, pagbabasa ng libro na gawa sa papel sa labas ng aklatan." Malinaw at nakakagulat na pinataw ng sasakyang pulis kay Seir. "Pero naglalakad lang ako walang ganong batas dito sa Marikina." Reklamo ng nabulyiyasong Seir. "Karagdagang kaso. Ordinansa Blg. 7259, pagtanggi sa krimen at Ordinasa Blg. 45, pagsagot sa otoridad." Ito ang binutata ng pulis sa kanya at bumukas ang pintuan sa likuran ng sasakyan. Sumang-ayon si Seir at sumakay sa likuran. Tulad ng inikala niya may bakal na rehas na humihiwalay sa harap at sa likod pero walang taong pulis na nagmamaneho sa loob. Naisip niya tulad ng pangunahing karakter sa kanyang binabasa na maging manhid at matatag. Sinarado niya ang pintuan at nagsalita ulit ang sasakyang pampulis. "Karagdagang Kaso. Ordinansa Blg. 9783, pag-iwan ng kagamitan sa pampublikong lugar. Ordinansa Blg. 1087, pag-iwan ng ano mang bagay na gawa sa papel sa pampublikong lugar." Umiling na lang si Seir at nanahimik sa pag-usad ng sasakyang pampulis.
[Likha ng Nobel Prizewinner para sa Literatura na si Albert Camus ang "The Outsider" o "The Stranger" na nailimbag noong 1946.]
filipino science fiction
Isang blog nagbibigay kulay sa mundo ng science fiction gamit ang maiikling kuwento na kesa sa wikang Filipino o Ingles.
No comments:
Post a Comment