Isang blog nagbibigay kulay sa mundo ng science fiction gamit ang maiikling kuwento na kesa sa wikang Filipino o Ingles.

20060903

Sakang Bakal

Bumulagda sa harap ng Departamento ng Agrikultura si Peping. Tinapon siya ng dalawang guwardiyang asul ang uniporme. Pang labing limang beses na siya nahahantong sa ganitong sitwasyon. Kasapi si Peping sa Alyansa ng mga Magsasaka sa Pilipinas. Matagal na kasing itinataguyod ng kanyang organisasyon na ibalik ang dating pamaraan ng pagsasaka at ibasura ang mga mekanikal na robot na gumagawa ng kanilang trabaho. Ipinatupad ng gobyerno ang Robot Farmer act noong 2020. Nakasaad dito ang pagtalaga ng mga robot na magsasaka at palitan ang mga lokal na mamamayan para sa mas mabilis na produksiyon ng agrikultura sa bansa. Maraming naapektuhan na magsasaka lalong lalo na ang galing sa mga maliit na bayan na kung saan ito lamang ang pangunahing hanapbuhay. Wala nang tiempo muerto dahil habangbuhay ng patay ang kabuhayan.

Ngayon araw na ito hindi man lang nakaapak sa loob ng opisina ng kalihim si Peping. Noong unang beses pinagbigyan siya na sabihin ang hinaing. Sa haba ng kanyang makahabag-damdaming talumpati sa harap ng kalihim walang sinabi ito kundi ang
"salamat po kung mararapatin niyo lang na magsulat ng pormal na reklamo sa departamento kausapin niyo ang sekretarya sa labas". Wala man lang siya sinabi tungkol sa problema ng matinding kahirapan at kawalan ng hanapbuhay ng mga magsasaka. Kung meron lang sana ginagawa ang gobyerno sa mga napektuhan ng batas. Walang silang siguradong maririnig na reklamo. Nagpatuloy si Peping sa kanyang tungkulin bilang tagapagsalita ng alyansa na makipag-usap sa kalihim sinunod din niya ang payo nito at daang-daang kasulutan na ang naibigay niya. Pitong taon na niya ito ginagawa, dalawang beses lang siya sa isang taon nakakaluwas mula sa probinsiya ng Isabela dahil sa kakapusan ng pondo ng Alyansa. Ikawalong taon na niya at ikalabimlimang pagsubok na makamit ang kanilang inaasam na reporma at tulong mula sa gobyerno. Wala ring magawa ang mga haciendero at haciendera dahil nasasakop sila sa batas na ito, kahit ayaw nilang gumamit ng robot napilitan sila dahil malaking halaga ang ibubuwis nila kung ayaw nilang sumunod. Kaya wala talagang mapupuntahan ang mga magsasaka.

Marami na ang lumuwas ng Maynila para maghanap ng trabaho pero bumalik din sila dahil walang kumukuwa sa kanilang kahit bilang katulong lamang. Naging mangingisda ang ibang magsasaka. Kaya napilitan silang lumisan sa malulupang bayan patungo sa malapit
sa dalampasigan. Pero nanganganib din na mawala ang hanapbuhay na ito dahil sa napipintong batas ng "Fishing Robot Act" na maipapatupad ng walang dalawang taon. Nawalan din ng trabaho ang mga guro na nagtuturo tungkol sa pagsasaka, mga ahensiya na tumutulong sa pagsasaka, mga opisyal sa gobyerno na bihasa sa pagsasaka. Hindi sila katulad ng mga totoong magsasaka na ito lang ang alam sa buhay. Patuloy pa rin si Peping kahit mahina, maysakit at tumatanda na sa kanyang hangarin na mabigyan ng kaukulang pansin ang magsasakang Filipino. Tumaas man ang produksiyon ng agrikultura sa bansa, natulungan man nito ang ekonomiya nawala naman nito ang paglilingkod sa taong bayan.

Babalik na naman si Peping sa kanyang bayan na walang dalang magandang balita. Sa palagay niya mamatay siya na hinding makikita na bigyan ng pagkakataon ng gobyerno ang mga magasasaka na mamuhay uli ng simple, matiwasay at binibigay ang dugo't pawis sa paglilingkod sa bayan. Umaasa pa rin siya na sa susunod na pagbalik dala na niya ang pag-asa at balitang hinihintay na marinig sa nakalipas na pitong taon.

[mula ang orihinal na maikling kuwento sa sayenspiksiyon.motime.com nagbago rin ako ng ilang mga pagkakamali]

No comments: